AGAD na kumatok si Skye sa pintuan ng unit ni Cloud. Tinatamad siyang mag-doorbell kaya kumatok na lamang siya. Para maiba naman daw. Ilang sandali lamang ay bumukas na ang pinto ng Unit nito at sumungaw ang mukha ni Cloud. And her jaws dropped literally when she saw him.
Kung noong una niyang nakita ito dito sa unit nito ay naka-sando itong fitted, ngayon naman ay wala itong suot na pang-itaas! As in, bare! Kitang-kita tuloy niya ang matipuno nitong dibdib. May muscles na agad ang dibdib nito, marahil ay dahil iyon sa kaka-tennis nito. Halatang batak sa ehersisyo ang katawan nito. Hindi tuloy niya mapigilan ang sariling titigan ang katawan nito.
She couldn’t help herself. Parang namamalikmatang nakatitig lamang siya sa kaharap niya. Kung hindi pa marahil ito tumikhim ay hindi na niya maaalis ang mata sa dibdib nito.
Agad niyang ibinaling ang paningin sa mukha nito at agad na namula ang mukha niya nang makita ang kislap at ang panunukso sa mata nito. Huling-huli nito ang pagtitig niya sa katawan nito! Nakakahiya!
“Sige. Okay lang na titigan mo pa ang katawan ko. Isang minuto pa, panigurado, tunaw na ako,” nakangising wika nito sa kanya at bahagya pang lumiyad na parang nagyayabang, though nagyayabang naman talaga ang isang ito. Pero infairness to him, may dapat naman kasi talaga itong ipagyabang.
“Whatever Cloud!” angil niya sa lalaki upang pagtakpan ang pamumula ng mukha. Pumasok na siya sa loob ng Unit nito at hindi na nag-abala pang hintayin na patuluyin siya nito. “So, anong dapat kong gawin bilang alalay mo?” tanong niya sa lalaki at doon ulit umupo sa pang-isahang sofa na nandoon.
Kagaya kahapon, doon din sa katapat na sofa umupo si Cloud. Nag-de-kwatro pa ito at nakahalukipkip na tumingin sa kanya. “Ano bang ginagawa ng mga alalay? You have to serve me. Maglilinis ka ng unit ko, ipaglalaba mo ako, ipagluluto at—“
“Wait!” putol niya sa iba pa nitong sasabihin. “Ano... P-puwede bang magsuot ka ng pang-itaas?” aniya kay Cloud at iniiwas ang paningin dito. Muli’y naramdaman niya ang pamumula ng mukha niya. Siguro’y namumula na rin ang buo niyang katawan ngayon.
“’Sus. Kunwari ka pa. If I know, enjoy na enjoy ka na ngayon dahil—“
“Yabang! Bakit naman ako mag-e-enjoy? Magbihis ka nga! Ayusin mong buhay mo!” hindi niya napigilang asik kay Cloud.
Binalingan niya ang lalaki at pinandilatan. Pero hindi niya alam kung anong espirito ang sumapi sa kanya para muling tignan ang katawan nito.
Juskoh! Namamanyak na po yata ako! I should hate him. Okay, that’s a bit harsh. I shouldn’t like him pero... My God!
“See? Nag-e-enjoy ka naman talaga sa pagtingin sa katawan ko, nagde-deny ka pa.”
Akamang sasagutin niya si Cloud nang walang salitang tumayo ito at pumasok sa isa sa mga kwarto doon mismo sa loob ng Unit nito. It must be his bedroom. Ilang segundo lamang ang lumipas at lumabas na rin ito, at thank God, may suot na itong sando. Isang fitted na sando.
“Better?” nakangising tanong nito sa kanya na sinagot niya ng tango. “Okay, back to the topic on hand bago mo ako tinunaw ng titig mo—“
“Hindi kita—“
“Gusto mong tawagan ko na agad si Les ngayon?” pananakot nito sa kanya.
Parang batang binelatan niya ito at humalukipkip. “Fine. Tinitigan na kita.”
“Para kang bata. Anyway, madali ka naman palang kausap, Skyeisha. Anyway, dahil ikaw ang alalay ko, dapat lamang na pagsilbihan mo ako. Dapat din na sundin mo ang lahat ng utos ko. Ikaw ang maglalaba ng mga damit ko. Ikaw din ang magluluto ng hapunan ko. Ikaw din ang maglilinis ng unit ko. Ano pa ba? Dahil considerate naman ako, kapag nasa Saint Vincent tayo, hindi kita uutus-utusan.” pagtatapos nito at tinaasan siya ng kilay na para bang hinahamon siyang kontrahin niya ito.
“Considerate my ass,” bulong niyang nakaabot pala sa pandinig nito.
“At ayokong magsasalita ka nang masasama laban sa akin. Maliwanag?”
“Yes, Master,” sarkastikong tugon niya at bahagya pa itong niyukuran.
“So, simulan mo na ngayon. Ipagluto mo na ako,” utos nito sa kanya na para bang totoong katulong siya nito. Though kung tutuusin, talagang katulong siya nito.
“Sandali! Hanggang kailan naman ako magiging katulong mo? Aba! Dapat may definite date ang paglilingkod ko sayo! Huwag kang mautak, Cloud Valeroso!”
“Two months siguro, okay na,” sagot nito at tumango pa ng bahagya. “Tama. Two months, not bad.”
“Are you kidding me? Two months? Two freaking months? Bakit naman ang tagal?” angal niya sa lalaki at naisip ang mga bagay na magagawa niya sana kung hindi lamang siya nito hawak sa leeg.
Two months niyang pagsisilbihan ang ugok na ito? Isang araw nga, halos hindi na siya makatagal tapos dalawang buwan pa? Baka mamatay na siya n’on? May nagawa ba siyang kasalanan sa Diyos para parusahan Siya nito ng ganito?
“Ayaw mo? Pwede ka namang mag-backout anytime eh. Just tell me and...” hindi nito tinapos ang iba pa nitong sasabihin at inilabas lamang ang cellphone. Isang tingin ang binigay nito sa kanya, tingin na nagsasabing, “You know what will I do.”
Napabuga siya ng hangin at isinalampak ang backpack na dala-dala sa sofa ni Cloud. “May magagawa pa ba ako? As if naman na papayag akong mapunta sa wala ang ginagawa ni Airin ngayon,” asik niya sa lalaki at nagpakawala ng isang irap bago pumunta sa kusina nito upang ipaghanda ito ng isang lason—este ng hapunan pala.
Pero okay din kung lalagyan ko ng Racumin ang pagkain ng loko. Hmm. Pwede kaya? Napangisi na lamang siya dahil sa kalokohang naisip.
0 comments:
Post a Comment