Excerpt- Kei and Arianne

Release Date: 2012


HUMINGA ng malalim si Arianne at binalingan ang kanyang notebook. Kabisado na niya ang mga itatanong niya sa mga lalaking ito pero bakit ngayong kaharap niya si Kei, tila nakalimutan niya ang mga tanong? Tila ba biglang nabutas ang utak niya at umagos ang lahat ng mga letra sa mga tanong niya.
   
“Have you ever been in love before?” basa niya sa tanong, hindi na siya nag-abala pang tignan si Kei dahil lalo siyang dinadaga kapag nagkakasalubong ang tingin nilang dalawa.
   
“Hindi pa naka-on yung tape recorder, Yannie.”
   
Namumula ang pisngi na niyuko niya ang tape recorder. Hindi nga naka-on iyon. Shit! Pahiya siya. Bakit ba natataranta siya ngayon gayong si Kei lamang naman ang kaharap niya? Si Kei lang ito, si Kei na nang-basted sa kanya five years ago.
   
“So—“
   
“Hindi mo ba ako titignan?”
   
Napabuga siya ng hangin. She can do this. Iniangat niya ang paningin at nang nagtama ang paningin nila ni Kei ay tila biglang huminto sa pag-ikot ang mundo niya. Tila ba ito lamang ang tao sa paligid niya sa mga oras na iyon. Ano ba itong nangyayari sa kanya?
   
“So why are you—“
   
“Kumusta ka na, Yannie? It’s been five years,” putol nito sa pagtatanong niya.
   
Pinaningkitan niya ng mata ang lalaki at humalukipkip. “Ako ang interviewer dito, hindi ikaw.”
   
Tila kumislap ang kulay tsokolate nitong mata habang nakatingin sa kanya. Kapagkuwan ay umiling-iling ito. “Sorry. Sige, what’s your question again?”
   
“Have you ever been in love before?”
   
Hindi kaagad sumagot ang lalaki. Tila ba pinag-iisipan nito ng mabuti ang sagot nito. Kumabog ang dibdib niya habang hinihintay ang sagot ni Kei. Hindi niya alam kung bakit tila bigla siyang kinabahan sa isasagot nito.
 
“Yes,” sagot ni Kei habang nakatingin ng diretso sa mata niya.
   
Hindi niya alam kung saan nanggaling ang tila kamay na humawak sa puso niya at pumisil doon ng mariin dahil sa isinagot na iyon ni Kei. May minahal na pala ito. Sino kaya iyon? Nakilala nito dito sa Saint Vincent? Gusto niyang itanong sa lalaki ang pangalan ng mahal nito pero hindi niya kaya. Nasasaktan siya.
   
Bakit parang hindi ako makahinga? 
   
Yumuko siya dahil nanlabo bigla ang kanyang paningin. Gusto niyang magalit kay Kei. Gusto niyang magalit sa walang mukhang babaeng minahal nito. Bakit ito ay nagawang mahalin ni Kei? Ano ang mayroon sa babaeng iyon na wala sa kanya at ito ay nagawang mahalin ni Kei pero siya ay hindi?
   
At ang pinakamalaking tanong, bakit labis-labis siyang naaapektuhan ngayon?
   
“Samahan mo muna ako, Yannie.”
   
Napabuga siya ng hangin upang papayapain ang sarili. Mabuti na lamang at hindi natuloy ang pagpatakan ng luha sa mata niya. Binalingan niya si Kei. “Saan?”
   
Nagkibit ito ng balikat. “May bibilhin lang ako sa mall. Habang nag-iikot, d`on mo na lang ako tanungin ng tanungin.”
   
Dapat ay tumanggi siya. Dapat ay umiwas na siya dahil sa simpleng presensya ni Kei ay may nabubuhay na damdamin na pilit niyang ibinabaon sa puso niya. Pero masokista yata talaga siya dahil nakikita na lamang niya ang sariling tumatango sa gusto nito.
   
Gusto na niyang sabunutan ang sarili. Naguguluhan siya sa sarili niya. May bahagi sa puso niya ang natatakot sa maaaring mangyari sa pagitan nila ni Kei magmula ngayon. Pero aaminin niyang may bahagi talaga ang nasisiyahan ngayon. Nasisiyahan dahil makakasama niya ang kaibigang nagkaroon talaga ng malaking puwang sa buhay niya.

0 comments:

Post a Comment